“Metro Manila Busways”
Isang nakatutuwang pangitain na ang nakalaang puwang sa mga bus lamang sa mga pangunahing malalawak na daan sa kalunsuran ay napagtutuunang-pansin at napaglalaanan ng mga kinakailangang bagay-bagay tungo sa ikabubuti at ikagaganda. Sa aking palagay, ang pag-unlad ay nakasalalay sa mabilis na paglalakbay o ang mabilis na paglilipat ng mga tao at mga bagay-panghanapbuhay sa mga malalaking agwat patungo sa mga pook na dapat nilang tunguhan. Kabilang ba dito ang pagdaragdag ng mga panibagong daanan kabilang ang uri na nakapaitaas? Hindi sa tingin ko. Sapagkat ang naliligayahan lamang dito ay yaong may mga pansariling mga sasakyan subalit ang ilalim naman nito paglaon ay nabubulok at nagiging kasuklam-suklam sa paningin ng mga naglalakad at naglalakbay sa ibaba na walang magawa kundi makita ang kapangitang ito araw-araw. Ni hindi matataniman ng halaman ang gitna ng madilim na ilalim na ito sapagkat hindi naarawan at nauulanan. Wala itong ibang pinatutunguhan kundi kabulukan. Hindi rin kasagutan ang pagpapalapad ng mga kasalukuyang daanan. Sa halip ay ang pagpapalapad ng mga gilid-lakaran. Subalit ang ilalim ng mga nakaangat na daanan ng tren ay mapagaganda pa sapagkat hindi naman ito ganoon kalapad at masasapul pa rin ng araw, hangin, at ulan at tuloy malalagyan pa ng laang daanan ng mga bus upang masulit ang puwang. Na siyang naghahatid sa akin sa aking pangunahing paksa: ang paglalagay ng nabanggit, sana, hindi lamang sa Edsa kundi sa bawat kalsadang may bumabagtas na tren ngayon at babagtas na tren sa hinaharap, kung ito may maaari at makatotohanan. Ang layunin nito ay ang pagpapalawig ng, at pagbibigay ng pangunahing pagpapahalaga sa, bultuhang paglalakbay. Ang tren at ang bus ay maaaring maging magkaagapay sa paghahatid sa mga mananakay sa mga pook ng kanilang pag-aaral, paggawa, pamimili, at pagliliwaliw. Maaari na lamang sana silang maging lubusan at ganap na mananakay upang magtungo sa mga pasyalan sa kalakhang Maynila o mamili nang bultuhan sa Divisoria, halimbawa, nang magaan at walang kahirap-hirap. Dahil isa ring magandang pangitain na ang tren ay magpapatuloy na hanggang sa pantalan ng Tondo. Dahil ang Tondo ay dapat naman talagang baranggay ng mga pantalan at maaayos na pamayanan at pasyalan, hindi ng kasigaan at kadugyutan na isang malaking kalokohan na tila siya pang naging kanyang kinang sa mga panahong nagdaan. Kalokohan! Nakakasuka! Noon pa mang sinaunang panahon, ang Tondo ay baranggay na ng mga nagte-teatro. Kung papaanong ang Intramuros ay dapat nakabukod bilang baranggay ukol lamang sa mga sagisag ng kabihasnang Pilipino at hindi ng mga pamilyang namamahay. Mayroon pang mga angkop at mas magandang pook-panirahan sa kanila. Wala dapat ibang makita sa baranggay na ito kundi ang mga naisaayos na at patuloy na isinasaayos at pinagagangang mga makasaysayang gusali. At dapat na ring maglaho sa paningin ang mga sala-salabat na mga kawad. Sapagkat nakakahiya! sa mga dumadayo pa dito mula sa maraming mga bansa upang mamasyal at malasin ang mga bagay-bagay ng ating kasaysayan. Dadako sila dito na tigib ng kasiglahan. At ano ang kanilang mapapala sa ginugol nilang salapi? Ako na mismo ang nabu-bwiset para sa kanila. Maari kaya na lahat ng daanan at pook sa loob ng Intramuros ay maging malinis, kamangha-mangha, at angkop lakaran at pasyalan nang walang pangamba? Walang larawan ng kadugyutan na tila nakakabit na sa salitang Pilipinas? Maaari kaya? Bakit baranggay ang sabi ko? Sapagkat isa ring malaking kalokohan ang mga baranggay na de-numero. Bwiset! Nakakalito!
Lahat ng tawiran patungo sa sakayan ng bus sa gitna ng malalapad na daanan ay dapat magaganda, maaliwalas, at kaiga-igaya na para bagang isang gusaling panghanapbuhay. Sa gayon, darami ang tawiran na hindi nakamamatay. Kung gayon, dapat pala ang mga ito ay lubhang napakatibay bagamat gawa sa bakal at hindi buhos. Higit na magpapaganda dito ang malalapad na gilid-lakaran na sana ay maisaalang-alang na. Bakit? Upang ang mga hagdanan paakyat ay hindi makasagabal! Sa loob ng napakahabang panahon ay parati na lamang tila nagiging balakid sa paglalakad ang mga hagdanan paakyat sa mga tawiran dahil sa napakakipot ng mga gilid-lakaran! Nais na ng mga tao ang maglakad sa mga panahong ito! Bigyan sila ng karampatang puwang upang magawa iyon! Ang mga malalapad na daanan sa kalakhang Maynila ay hindi lamang para sa mga sasakyan kundi rin para sa mga paa ng laksang mamamayan. Subukan ito at mapagtatantong ito ay napakainam hindi lamang sa paningin kundi maging sa tunay na paglago ng bayan. At maari din kaya na ang mga nakalaang daanan ng mga bus ay pirmi nang nahaharangan nang bakal o kung ano man ang naaangkop na sangkap?
ni: Marven T. Baldo
Comments
Post a Comment