“Esplanade Template”
Lahat ng mga susunod na lakaran-pasyalan sa gilid ng Ilog Pasig ay dapat kasing lapad ng sa, at kaparehas ng pagkakagawa sa, Maestranza. Kung baga, ito na ang magiging payak na hulma. Ito ay maglalaman ng daanan ng mga bisikleta na kulay pula at daanan ng mga paa sa gawing balustre. Sa gawing kalupaan naman ay mga puno, upuan, at bahay panghanapbuhay pa sa mga angkop na pook. Ganito ang gagawin sa kasalukuyang pangpang, at gayundin sa kabilang pangpang. Magkaparehas ng lapad. Magkakaibang anyo, palamuti, at dibuho subalit iisa ang payak na hulma: gaya ng sa Maestranza. Manalig ka. Ang pag-unlad ng ating bansa ay nakasalalay sa pagpapahalaga natin sa ating mga ilog, lalo na ang ating mga pangunahing ilog, lalo na sa ating pinakamakasaysayang Ilog, ang Ilog Pasig. Nararamdaman na ng Ilog Pasig ang pagpapahalagang inuukol natin sa kanya; at siya'y sumisigla. Magmula ngayon ay hindi na natin hahayaan na siya'y malapastangan pa.
Panghahawakan natin siya; hindi na natin ilalayo ang ating paningin sa kanya.
Pangangalagaan; magiging mabuti na tayong katiwala ng ating kalikasan.
Sama-samang manalig; mahalin ang abang Ilog Pasig.
Hanggang sa siya'y lubusang maging marikit.
Ilog ng buhay, tunay kang napakaganda.
Wala akong ibang masabi kundi, "Mahal kita."
Kinang ng iyong mukha at ng hampas ng iyong mga alon,
Di kailanman kumupas sa paglipas ng panahon.
Tunay mong sarili, mahanap nawa't matuklasan
At nang iyong malinang at mapanatilihan
Sa iyong pag-unlad, ako ay magdidiwang
Dito sa aking maralitang kinalalagyan.
Iyong pinagagaan, daloy ng kalunsuran
At malagim na buhay ng mga mamamayan.
Bagama't ako't ika'y West Philippine Sea ang pagitan,
Mananatili kitang sintang minamahal.
ni: Marven T. Baldo
Comments
Post a Comment